Naguguluhan si Leyte Fourth District Representative Richard Gomez sa biglaang pagbabago ng bilang ng mga mambabatas na bumoto pabor sa House Bill 9349 o ang Absolute Divorce Bill.
Ayon kay Gomez, naitala na sa 126 ang affirmative votes at inanunsyo sa plenaryo ngunit ngayon ay nagkaroon na ng error o mali sa bilang at ginawang 131 kaya kanyang kinuwestyon kung paano ito nangyari.
Naniniwala ang kongresista na nabigo ang pag-apruba sa Divorce Bill nang hindi makuha ang mayorya ng House members na naroon sa plenaryo sa nangyaring botohan.
Kaya naman maituturing umano na hindi naipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas.
Inusisa rin ni Gomez kung pinapayagan ba sa ilalim ng House rules ang pagtatama ng bilang boto sa labas ng sesyon.
Kung regular na bagay na aniya ang pagkakamali sa bilangan ng boto ay paano naman masisiguro na ang nakalipas na resulta ng botohan sa ibang mga panukala ay tama.
Buwelta pa nito, tila ginawa ang adjustment upang tugunan ang mga pahayag na natalo ang mosyon at hindi nakuha ang majority vote.