Ibinunyag ni self-confessed drug lord Kerwin Espinosa na pinilit umano siya ni noo’y PNP Chief at ngayo’y Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na idiin ang ilang indibidwal na sangkot sa illegal drug trade kabilang na si dating Senadora Leila De Lima.
Humarap sa ikawalong pagdinig ng Quad Committee sa Kamara si Espinosa upang ilahad ang aniya’y tunay na pangyayari noong 2016 nang kausapin siya ni Dela Rosa matapos maaresto sa Abu Dhabi.
Sa kanyang pagbabalik sa bansa ay pinuwersa umano siya ni Dela Rosa na ituro si De Lima pati na ang negosyanteng si Peter Lim na sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga.
Kuwento ni Espinosa, tinakot umano siya ni General Bato na kapag hindi sumunod sa plano ay mamamatay din siya o isa sa miyembro ng kanyang pamilya tulad ng naging kapalaran ng kanyang ama na si dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Bukod dito, isiniwalat ni Espinosa na inatasan siya na isama sa ididiin ang aktor at noo’y Ormoc City Mayor na si Richard Gomez sa listahan ng mga sangkot sa ilegal na droga.
Binigyang-diin naman ni Espinosa na biktima ng extrajudicial killings ang kanilang pamilya lalo’t nagmakaawa na ang kanyang ama na huwag itong papatayin ngunit tinuluyan pa rin.
Samantala, nilinaw ni Espinosa na walang pumilit sa kanya na humarap na Quad Comm at wala ring sinabing kapalit.