CAMARINES NORTE- Tumaas pang lalo ang mga naitatalang kaso ng dengue sa lalawigan ng Camarines Norte.
Sa datos ng Department of Health mula Enero 1 hanggang Hulyo 30, 2022 umaabot na ito sa 169 na mas mataas sa 98 sa kaparehong panahon noong isang taon batay naman sa hiwalay na datos mula sa Provincial Health Office na nakalap ng Brigada News FM Daet.
Pumangalawa ang Camarines Norte sa may pinakamaraming kaso sa buong Bicol Region.
Para sa morbidity week 29- 30 o mula July 17- 30 nakapagtala ang lalawigan ng 16 na bagong kaso kumpara sa isa lang noong 2021.
Umaabot lang din sa 154 na kaso ang naitala sa lalawigan sa buong taon ng 2021.
Nangunguna ang Daet sa mga pinakamaraming kaso ngayon na mayroong 53 na sinusundan ng Basud na may 25, Mercedes 19, Labo 18 at Jose Panganiban na may 13.
Ang iba pang mga bayan ay nakapagtala ng single digit na kaso ng dengue kung saan ang pinakakaunti ay ang San Vicente na may 2 at Capalonga na mayroong 3.
Sa gitna naman ng patuloy na pagtaas ng dengue cases ay una nang tiniyak ng PHO na mayroon itong sapat na suplay ng insecticide para sirain ang mga pinamumugaran ng lamok.
Gayunman binigyang diin ng ahensiya na magbibigay lang ito basta’t mayroong regular na clean- up drive.
Pinakamabisa pa rin daw kasing sandata para mapigilan ang pagtaas ng mga kaso ay ang paglilinis ng paligid at pagsira sa mga pinamumugaran ng lamok.
