CAMARINES NORTE- Tumaas ang kaso ng animal bite sa lalawigan ng Camarines Norte noong 2022.
Batay sa datos ng Provincial Health Office na inilabas nito lang Miyerkules, March 29, 2023, umabot sa 11,614 ang ng kaso ng Animal Bite sa buong probinsya na mas mataas sa 9, 941 kumpara noong 2021 at pinakamataas sa nakalipas na tatlong taon.
Noong 2020 o sa kasagsagan ng implementasyon ng community quarantine, umabot lang sa 6, 392 ang mga naitalang kaso.
Kaugnay nito ay muling kinalampag ng PHO ang mga LGU hanggang sa mga barangay na ipatupad ang ordinansa patungkol sa responsible pet ownership.
Sa gitna ito ng tila pagsasawalang kibo ng mga munisipyo at barangay sa mga umiiral na batas patungkol dito.
Kapansin- pansin kasi na kahit saang bayan ay laganap pa rin ang mga pagala- galang aso sa kalsada na kung hindi man nakakagat ay nagiging sanhi ng aksidente at pagkasawi ng mga motorista.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco, wala sanang mga kaso ng rabies at walang mamamatay dahil dito kung ipinapatupad lang ng mga munispyo hanggang barangay ang umiiral na batas at ordinansa.
“Ibinabalik ko ang role ng munisipyo sa kanilang ordinance, pag iimplement ng ordinance patungkol sa responsible pet ownership, kasi kung yan ay pinapatupad wala po tayong kaso, supposed to be at hindi po gagastos ang ating gobyerno.
Pinarerebisa ni Francisco sa mga LGU ang kanilang mga ordinansa patungkol dito.
Batay sa Anti Rabies Act of 2007, kinakailangang naka-leash o may tali ang aso kapag inilalabas ito sa kalsada.
Obligado ring ipabakuna ng may-ari ang kaniyang alaga laban sa rabies.
