Natagpuan na lamang na wala nang buhay ang isang kasambahay matapos magpatiwakal sa stock room sa kaniyang pinagsisilbihang bahay sa Brgy. District 2, Cauayan City, Isabela.
Ang nagpakamatay ay itinago sa pangalang Mara, single, 27-anyos at residente ng Buyon, Cauayan City.
Batay sa imbestigasyon ng PNP Cauayan City, dakong alas-5 ng umaga ng August 16, 2021 nang matagpuan ng kapwa kasambahay nito na si Josie Macapinlac ang katawan ng biktima na nakabitin gamit ang isang tali.
Dahil dito ay agad na tumawag ng tulong at dinala ng mga kasapi ng Rescue 922 sa pagamutan si alyas Mara subalit idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician.
Samantala, natagpuan naman ang isang sulat-kamay na suicide note na nakasaad doon ang paghingi nito ng tawad sa kaniyang mga magulang dahil sa kaniyang gagawin.
Napag-alaman din na mahigit 10 taon nang magkasamang naninilbihan ang dalawa at batay sa paglalarawan ni Macapinlac, isang masiyahing tao kaya hindi nito akalain na wawakasan ng biktima ang sarili nitong buhay.
Sa ngayon ay inaalam pa rin ng kapulisan ang posibleng dahilan ng pagpapatiwakal ng naturang kasambahay.