CAMARINES NORTE- Binuksan na kahapon ang ika- sampung Negosyo Center ng Department of Trade and Industry (DTI) sa lalawigan ng Camarines Norte na matatagpuan sa bayan ng Capalonga.
Pinangunahan ni DTI Provincial Director Christie Rivera at Mayor Luz Ricasio ang opisyal na pagbubukas ng Negosyo Center na malaki ang maitutulong lalo na sa micro, small at medium enterprises (MSME) at sa mga nagnanais mag negosyo.
Kabilang sa mga serbisyong ibinibigay nito ay ang pag proseso ng Business Name Registration at application para sa Barangay Micro Business Enterprise (BMBE).
Maghahatid din ito ng libreng seminars at business coaching sa mga nagnanais magtayo ng negosyo alinsunod sa Go Negosyo Act of 2014, ang batas na naging daan para sa pagbubukas ng mga Negosyo Center.
Pwede ring gawin dito ang online application kung saan maaaring makuha ang certificate online na malaking tulong lalo na ngayong patuloy ang banta ng COVID- 19.



Nagpasalamat naman si Ricasio sa DTI sa paglalagay ng Negosyo Center sa kanilang bayan kasabay ang paghikayat sa mga taga Capalonga na mag negosyo.
Dumalo rin sa aktibidad sina Governor Edgardo Tallado at First District Rep. Josefina Tallado.
Ayon sa Gobernador, marami sa mga naapektuhan ng COVID- 19 pandemic ay maaaring magsimula ng negosyo para kumita.
Para naman kay Cong. Tallado madaling naihahatid ng Negosyo Center Online Portal ang mga serbisyo ng DTI sa mga MSMEs at aspiring entrepreneurs gamit lamang ang smart phone o computer habang sila ay nasa trabaho man o tahanan.
Aniya, malaki ang maitutulong ng makabagong teknolohiya para sa mga nagnanais umunlad ang mga maliliit na negosyo sa tulong na rin ng DTI.
Mababatid na noon pa dapat isang taon binuksan ang Negosyo Center sa naturang bayan pero napurnada dahil sa pandemya.
(photo courtesy: 1st Dist. Rep Josie Tallado official FB page)

