Siniguro ni Justice Secretary Boying Remulla na mayroong sapat na hakbang at mga batas ang Gobyerno ng Pilipinas para malabanan ang talamak na online sexual abuse and exploitation of children o OSAEC sa bansa.
Kahapon nang i-ulat sa inter-agency press briefing sa Malacañang na numero uno sa buong mundo ang Pilipinas sa child trafficking at online sexual abuse kung saan, idineklara ng Gobyerno ang giyera laban dito.
Sa Kapihan sa Manila Bay Forum, sinabi ni Remulla na mayroong mga batas ang bansa para rito.
Sa kabila nito, naniniwala ang Kalihim na dapat ay ma-update na ang ating Immigration laws.
Samantala, muling iginiit ng SoJ na dapat ay mas pagtuunan ng pansin ang mga payment systems sa OSAEC cases para matugis ang mga parokyano ng karumal-dumal na krimen na ito.
Umapela naman si Remulla sa mga telcos at mga internet providers sa bansa na magkaroon na ng filters sa mga online contents nito para maagapan ang mga nais bumili ng mga sexual content ng mga kabataang Pilipino.
Matatandaang isiniwalat sa Palasyo ng iba’t ibang ahensya ng Gobyerno ang ganitong kalakaran kung saan, kapalit ang pera ay ibinebenta ang ilang mga malalaswang videos o retrato ng mga bata sa ibang bansa.
Bagamat walang tinukoy na ‘hotspot’ ng mga tumatangkilik nito, sinabi kahapon ni Remulla na mayorya sa mga bumibili nito ay mula sa European countries.
#