CAMARINES NORTE – Muling nagpaalala ang Department of Education sa mga guro at school head na huwag gawing sapilitan ang Brigada Eskwela.
Sa gitna ito ng ilang mga isyu na kumakalat lalo na sa social media hinggil sa di umano’y pamimilit ng ilang guro sa mga magulang na mag Brigada Eskwela bago ibigay ang certificate of enrollment na siya namang ipiprisenta sa pagkuha ng educational assistance ng Department of Social Welfare and Development.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Schools Division Superintendent Nympha Guemo na malinaw sa mga guro at school heads na boluntaryo at walang pilitan ang Brigada Eskwela.
Bagamat hinihikayat umano ang mga magulang na mag volunteer at tumulong na maihanda ang eskwelahan bilang pagpapahayag ng kanilang suporta sa programa ay hindi umano ito dapat gawing sapilitan.
Ipinagbabawal din umano ang tinatawag na “Brigada Fee” at dini- discourage ang mga guro ng mag solicit.
Samantala, naging maayos naman aniya ang pagbubukas ng face-to-face classes para sa School Year 2022- 2023 noong Lunes.
Ayon kay Guemo bagamat sinabayan ng pag ulan ang unang araw ng pasukan ay halos isang daang porsiento ang attendance ng mga estudyante.
Makikita umano sa mga bata at magulang ang excitement ng muling pagpasok sa eskwela makalipas ang dalawang taon.
Nagpasalamat din si Guemo sa suporta ng mga kapulisan, Barangay Officials at mga magulang sa matagumpay na pagbubukas ng klase.
