CAMARINES NORTE- Umaabot na sa 262 ang bilang ng mga nasawi sa COVID- 19 sa lalawigan ng Camarines Norte mula March 2020.
Sa bilang na ito 35 ang nasawi nitong taon lang o mula Enero hanggang sa kasalukuyan.
Batay ito sa datos ng Provincial Health Office na ibinahagi sa Brigada News FM Daet ni Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco
Pinakamarami ang nasawi sa Daet na umaabot sa 67 na sinusundan ng Labo na may 46.
Pasok din sa may pinakamaraming nasawi ang Talisay na may 24 at Jose Panganiban 22, habang may tig 21 naman sa Basud at Mercedes.
Ang Vinzons at Paracale ay kapwa nakapagtala ng 17 nasawi, Sta Elena 10, tig 6 sa Capalonga at San Lorenzo Ruiz.
Pinakakaunti naman ang namatay sa COVID- 19 sa bayan ng San Vicente na mayroong lima.
Pinakamarami ang naitalang namatay noong 2021 na mayroong 218 at siyam naman noong 2020.
Samantala sa 4, 390 kaso ng COVID- 19, ang Daet naman ang nakapagtala ng pinakamaraming kaso na mula noong 2020 hanggang sa kasalukuyan ay mayroong 1, 431.
Sinusundan ito ng Labo na may 653, Jose Panganiban 387, Basud 359, Vinzons 337 at Talisay na may 325.
Nasa 217 naman ang naitala sa Paracale, Sta Elena 193, Mercedes 190, San Lorenzo Ruiz 110, San Vicente 108 at Capalonga 80.
Sa ngayon ay 11 na lang ang aktibong kaso na nagmula sa Daet, Vinzons, Basud at Capalonga.
Patuloy namang hinihimok ang publiko na magpabakuna kontra COVID- 19 upang maiwasan ang malalang pagkakasakit.
Ang mga senior citizen at mayroong comorbidity ay hinihimok na magpabakuna dahil ang mga ito ang vulnerable sa maalalang pagkakasakit.
