Tinanggap ng Palasyo ng Malacañang ang isinumiteng clarification letter ng kampo ni suspended Bamban Mayor Alice Guo kaninang alas-onse ng umaga.
Naka-address kay Executive Secretary Lucas Bersamin na tumatayong Chairman ng Presidential Anti-Organized Crime Commission o PAOCC ang naturang liham, na personal na inihatid ng dalawa nitong legal counsel.
Nakasaad sa pitong pahinang clarification letter ni Guo, na napilitan daw itong magbigay ng liham upang tugunan ang mga seryoso at walang basehang paratang laban sa kanya.
Kabilang dito ang pagkakasangkot umano nya sa money laundering, human trafficking, kidnapping at iba pang krimen na may kaugnayan sa Baofu Land Development Incorporated at POGO operations sa Bamban.
Dahil ang mga nasabing paratang ay hindi lang daw nakakasira sa kanyang reputasyon kundi pati daw sa kanyang kakayahang maglingkod bilang alkalde ng kanilang bayan.
Sa huling bahagi ng kanyang clarification letter, hiniling ni Guo sa PAOCC na magsagawa ng masusi at walang kinikilingang imbestigasyon sa mga nasabing paratang.
Umaasa rin rin ito na mareresolba ng PAOCC ang isyu ng patas, may katarungan, integridad at pagpapahalaga sa katotohanan at hustisya.