Kampo ni John Riel Casimero, hinamon muli si Donaire sa isang laban

Inihayag muli ng three-division world champion na si John Riel Casimero ang kagustuhan nito na makalaban ang kapwa niya Pilipino na si Nonito Donaire Jr. at ang Japanese superstar na si Naoya Inoue.

Ito ay matapos magwagi si Casimero via split decision sa laban nila ni Guillermo Rigondeaux nitong Linggo sa Dignith Health Sports Park sa California, USA.

Sinabi ni MP Promotions president Sean Gibbons na si Donaire naman talaga ang gusto nilang makalaban, ngunit kung nais nitong tumakas at magsalita laban kay Inoue, ay wala na silang magagawa.

Gayunman, sa huli anya, ay si Casimero pa rin ang world champion.

Matatandaan na umatras si Donaire mula sa all-Filipino unification fight nila dahil sa pambabastos umano na ipinakita ng kampo ni Casimero bago ang kanilang laban.

Samantala, inihayag naman ni Casimero na handa siyang pumunta sa Japan para lang matuloy ang laban nila ni Inoue.