Muling ipinahayag ng kampo ni expelled Negros Oriental 3rd District Rep. Arnie Teves ang kanilang pagkadismaya matapos siyang patalsikin sa Kamara.
Ayon kay Atty Ferdinand Topacio – inihahanda na raw nila ang mga mekanismo para i-apela ang naging pag-adopt ng Kamara na i-expel si Teves bilang isang mambabatas.
Depensa ng abugado – marami pa raw kasing mga pending issues na naging basehan sa pagpapatalsik kay Teves.
Aniya, ang issue ng abandonment sa trabaho ay naka-pending pa sa Ombudsman; habang ang apela rin nila para kontrahin ang terrorist designation nito ay kapwa rin naka-pending.
Sa huli, nanindigan si Topacio na hindi pa rin daw uuwi ng Pilipinas si Teves.
House Ethics Committee naman, nanindigan sa desisyon
Binigyang-diin ni House Committee on Ethics and Privileges vice chairperson AKO BICOL party-List Rep. Raul Angelo “Jil” Bongalon na ‘disorderly behavior’ at at violation of the conduct pursuant to the House rules ang naging basehan ng Kamara para tuluyang sibakin sa pwesto si Cong. Teves.
Paglilinaw ni Bongalon, ang naging hatol nila ay walang remedyo gaya ng motion for reconsideration – ibig sabihin, pinal at executory na ang desisyon ng plenarya.
Maliban sa naturang mga basehan, inalis sa pwesto si Teves dahil din sa pag-abondona nito sa trabaho, tangkang pag-apply ng asylum sa Timor-Leste at “indecent behavior” sa social media.
Mababatid na bago ibigay ang hatol kay Teves, sumailalim ito sa dalawang magkasunod na 60-day suspension orders mula sa Kamara.
Dati pang hinihimok ng Kongreso ang mambabatas na umuwi na sa bansa upang personal na harapin ang patong-patong na alegasyon na ibinabato sa kanya, lalo na ang koneksyon nito sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso, ngunit hindi nito magawang makauwi dahil umano sa posibleng banta sa kanyang buhay.