Binigyang-diin ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay Representative Joey Salceda na patuloy na gagampanan ng Kamara ang tungkulin nito na papasukin ang mas maraming investments, magtagumpay man o sumablay ang People’s Initiative para sa Charter Change.
Ayon kay Salceda, ikinalulugod niya ang pagsisikap ng Senado na pangunahan ang diskusyon ukol sa isinusulong na reporma sa Konstitusyon.
Nangangailangan aniya ng urgency ang pagbubukas ng talakayan ngunit anuman ang kahihinatnan ng People’s Initiative ay gagawin ng Mababang Kapulungan ang parte nito na lumikha ng trabahong mas maganda ang pasahod at magbukas ng bagong oportunidad sa pagnenegosyo at kalakalan dahil hindi na ito makapaghihintay.
Batid ni Salceda na nagpahayag na ng intensyon ang chairmanship ng Senate Committee on Constitutional Amendments na talakayin ang Cha-Cha.
Sinuportahan na rin umano ng ilang Senador ang pagsusulong ng constitutional reforms.
Naniniwala naman ang economist-solon na walang nagbabadyang banta ng constitutional crisis sa harap ng mga isyu na bumabalot sa pag-amiyenda sa Saligang Batas.
Paliwanag nito, naaayon sa prosesong itinakda ng 1987 Constitution ang People’s Initiative at ang mga nakaraang pagtatangka ng Kamara na baguhin ang Saligang Batas sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
Dagdag pa ni Salceda, hindi dapat maantala ang regular na trabaho ng lehislatura gayundin ang relasyon sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.