Nanindigan si Pangulong Bongbong Marcos na hindi na muna dapat pang pagdebatehan ang isinusulong na Maharlika Investment Fund dahil patuloy pa itong binubusisi sa Kongreso.
Sa media interview ng Pangulo paglapag niya sa Brussels para sa ASEAN-EU Commemorative Summit – sinabi ni Marcos na hintayin na muna ng publiko ang magiging pinal na anyo ng panukala bago mag-isyu ng iba’t ibang kritisismo.
Aniya, baka raw kasi patuloy ang pagdedebate ng publiko, gayong marami pang mga probisyon ng bill ang maaari pang tanggalin at baguhin.
READ MORE: Ilan pang mga pagbabago sa isinusulong na Maharlika Fund, inilatag
Sa huli, muling tiniyak ng Pangulo na suportado nila ang paglikha ng sariling sovereign fund ng gobyerno.
Ipinunto ni Marcos na mahalagang magtatag na ng MIF lalo na’t makatutulong ito sa iba’t ibang mga proyekto ng pamahalaan.
Sinabi pa ng Pangulo na kailangang-kailangan sa ngayon ng Pilipinas ng mas maraming mga paraan ng pamumuhunan.
#
Presidential Legal Counsel Enrile, pinaghihinay-hinay naman ang Pangulo
Pinayuhan ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile si Pangulong Marcos na pag-isipan na munang mabuti ang isinusulong na MIF
Nanindigan si Enrile na dapat ay maghinay-hinay ang Pangulo sa paglikha ng sariling sovereign fund ng Gobyerno.
Sa ganitong paraan aniya ay hindi mabubunton sa kasalukuyang administrasyon ang mga sisi’t reklamo sakali mang mabulilyaso ang naturang pondo.
Payo ni Enrile, sa oras na hindi ito mapamahalaang maayos ng susunod na administrasyon ay si Marcos pa rin ang mananagot dahil siya ang lumagda sa naturang batas.
Pinasisiguro rin ng Presidential Counsel na mayroong mga nakalatag na safeguards sa panukala, at magkakaroon ng acccountability sa lahat ng mga magiging fund managers nito.
#
