Jema Galanza at Tots Carlos bahagi na ng Alas Pilipinas pool

Nagdagdag pa ng lakas ang national women’s volleyball team Alas Pilipinas matapos isama sa training pool ang prolific duo ng Creamline Cool Smashers na sina Jema Galanza at Tots Carlos.

Sina Carlos at Galanza ay kabilang sa mga unang manlalaro na inimbitahan sa Alas pool para sa 2024 AVC Challenge Cup pero parehong tumanggi ang dalawa dahil sa matagal nang nakaplanong celebratory trip sa Spain kasunod ng pagkakapanalo sa 2024 PVL All-Filipino Conference.

Umaasa naman ang national team headcoach na si Jorge Souza de Brito na ang pagdagdag kina Galanza at Carlos ay makakatulong sa nalalapit nitong pagkampanya sa FIVB Volleyball Women’s Challenger Cup.

Matatandaan na nito lamang Mayo nang makumpleto ng Alas ang historic AVC Challenge Cup campaign nang iuwi ang unang bronze medal ng Pilipinas sa naturang kompetisyon matapos talunin ang Australia.