Isang ice cream company ngayon ang nasa hot seat matapos kunan ng video ng isang customer ang kanilang tinitindang ice cream na kilala sa tawag na Chicecream o Zhong Xue Gao na umano’y hindi natutunaw kahit pa itapat sa apoy.
Ito’y binansagang “Hermes of ice cream” dahil sa mataas na presyo nito. Pero sa kabila niyan, ang Chicecream ay isa sa mga sikat at gustong-gusto ng mga Tsino.
Napatanong ang mga customer na nakapanood ng trending video sa isang sikat na social media site na Weibo ng nasabing bansa: Kung ano ba ang mayroon sa nasabing expensive ice cream dahilan para hindi ito matunaw?
Sinubukan kasi na itapat sa lighter ang nasabing ice cream pero hindi man lang ito nalusaw bagkus ito’y nangamoy lamang ng sunog na pagkain.
Ayon sa Shanghai Market Supervision and Management Bureau, napanood na nila at pina-iimbestigahan na ang nasabing trending video.
Pahayag naman ng kompanya na nasusunod nila ang mga regulasyon na ipinatutupad at ang lahat ng kanilang mga produkto ay nakasunod sa quality standards ng China’s national authority. ### KENNETH BERMIL, Intern