Patay ang isang lalaki na empelyado ng Manila City Hall matapos barilin sa loob ng kanyang bahay.
Kinilala ang biktima na si Beloy Ocampo, 55-anyos at residente ng Brgy. 81 sa Tondo.
Sa isang forum, kinumpirma ni Mayor Honey Lacuna Pangan na kahapon nangyari ang pamamaslang sa biktima na tumatayong sound technician ng Office of the Mayor.
Base sa imbestigasyon, nakaupo ang biktima sa loob ng kanilang bahay nang biglang sumulpot ang gunman at saka ito pinagbabaril.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek na sakay ng motorsiklo.
Naisugod pa sa ospital ang biktima pero binawian rin ito ng buhay.
Samantala, agad na nakipag ugnayan ang alkalde kay MPD Director PBGen Arnold Thomas Ibay at inatasan ito na kailangang mahanap agad ang suspek.
Ayon sa Alkalde, kailangan na maaksyunan agad ang mga ganitong uri ng krimen para mabigyan ng hustisya ang pamilya ng biktima.