CAMARINES NORTE- Natagpuang patay ang isa sa dalawang mangingisda mula sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte na mahigit isang linggo nang nawawala.
Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard natagpuan ang wala nang buhay na katawan ng mangingisdang si Arnel Era Biyernes ng umaga, Disyembre 30 ng mga tauhan ng Bantay Dagat mahigit kumulang 10 kilometro sa vicinity ng Canimog island.
Dinala sa Mercedes Port ang wala nang buhay na katawan ng biktima na nakasuot ng itim na damit at black and green sweatshirt.
Nai- turn over na sa pamilya ang katawan ng biktima matapos makumpirma ang pagkakilanlan nito para sa kaukulang disposisyon.
Matatandaan na pumalaot si Era kasama ang isa pang mangingisda na si Alex Bersabal noong Disyembre 21.
Hindi pa natatagpuan si Bersabal hanggang sa mga oras na ito.
Unang narekober ang ginamit na bangka ng mga biktima noong Lunes sa Canimog Island.
Nag abot na rin ng ayuda ang Department of Social Welfare and Development sa mga pamilya ng biktima.
