KORONADAL CITY – SA kabila ng ipinatutupad na ban ng gobyerno laban sa mga illegal skin-lightening creams na may sangkap na mercury, may mga produkto pa rin na makikita at ibinibenta sa Koronadal City.
Ito ay batay sa isinagawang test buy operations kamakailan lamang ng Environmental Watchdog group na BAN Toxics.
Ayon sa BAN Toxics na kabilang sa ibinibenta pa rin sa merkado ay ang Goree Beauty Cream (with Lycopene) at C Collagen Plus Vit E Cream na mayroong mercury levels na 16,353 part per million o ppm, at 7,111 ppm na lagpas sa allowable mercury content na 1 ppm.
Ang mercury ay isang toxic chemical na may masamang epekto sa tao at kalikasan.
Ito ay kabilang din sa listahan ng World Health Organization o WHO bilang top chemicals of major health concern.
Ang exposure sa mercury ay nagdudulot ng hindi magandang epekto sa nervous system, digestive at immune systems at nakamamatay.
