Umaasa pa rin si House Minority Leader Marcelino Libanan na magpapakita sa Kamara si Vice President Sara Duterte para sa plenary debates hinggil sa panukalang budget ng kanyang tanggapan.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Libanan na umaga pa lang ng Lunes ay naghintay na sila sa pangalawang pangulo kaya naantala ang dapat sana’y 10:00 ng umaga na schedule ng OVP.
Hindi kasi aniya maaaring isalang sa plenary deliberations ang budget ng OVP kung wala ang agency head kahit papuntahin pa ang mga undersecretary.
Bukod dito, napag-alaman na hindi naman awtorisado ang ipinadalang representative ni VP Sara.
Paliwanag ni Libanan, lahat naman ay abala ngunit ang budget hearings ang pinakamalaking “piece of legislation” at ang sinumang pinuno ng ahensya na hindi makakadalo ay dapat mayroong valid reason.
Hanggang Miyerkoles ang ibinigay ng Kamara kay Duterte para dumalo sa plenary debates o ang huling araw ng sesyon bago mag-recess.
Gayunman, ayaw pang pangunahan ni Libanan ang mangyayari sakaling hindi pa rin sumipot si Duterte.