Ipinagpapatuloy ngayon ng Commission on Elections (COMELEC) ang ginagawang inventory and sealing ng mga balota sa Ibalong Conference Room kasama ang mga abogado ng mga partido at mga opisyal mula sa komisyon.
Ayon kay Atty. Connie Del Castillo, Election Officer IV ng COMELEC Legazpi, nasa 42 ballot boxes ng election protest case ang inilabas mula sa storage room ng komisyon, kung saan kinabibilangan ito ng siyam na barangay – sa Taysan ay may 10 ballot boxes; 7 sa San Roque; sa Bitano ay may 6; tig-4 sa Maslog, Puro, Tula-tula at Pawa; 2 naman sa Dita at 1 sa Peñaranda Iraya.
Ang mga balota ay dadalhin sa COMELEC Philpost Warehouse sa Metro Manila para sa gagawing recount sa pamamagitan VCM at manual recount.
Sa oras na mai-turnover na ng ahensya ang mga balota sa Electoral Contest and Adjudication Department (ECAD) ay agad namang magpapalabas ng order ang COMELEC 1st division para sa scheduling ng pagbibilang ng balota.
Hindi pa masabi kung kailan masisismulan ang pagbibilang ng mga balota dahil tanging tanggapan lamang ang makakapagsasabi kung kailan nila sisimulan.
Inaasahan ngayon ng opisyal na mamayang gabi ay maibabyahe na ang mga balota patungo sa central office.
Kung matatandaan, nag-ugat ang paghain ng election protest ni dating AKB Party-list Cong. Alfredo Garbin matapos sabihin ng komisyon ang tungkol sa 7,000 rejected ballots at umano’y anomaliya noong nakaraang halalan.