Nagsagawa na ng Simultaneous Indignation Rally ang 5th Infantry Division, Philippine Army sa kanilang Area of Responsibility upang kondenahin ang ilang dekada nang panlilinlang ng New People’s Army.
Ito ang kinumpirma ni Captain Rigor Pamittan ang Chief DPAO ng 5ID sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.
Aniya, ngayong araw ang ika-53 na anibersaryo ng NPA kaya’t nagsagawa ang kanilang hanay ng indignation rally partikular sa kanilang mga nasasakupan sa Cagayan, Isabela, Baguio, Benguet at Abra.
Ito ay upang kondenahin at mawakasan ang pananakop, pangingikil at pagrerecruit ng NPA sa mga kabataan na umanib sa kanilang kilusan.
Dagdag pa ni Capt. Pamittan, upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ay nagpapatuloy ang deployment ng kanilang pwersa, pagsasagawa ng checkpoint at community support program sa mga far flung barangay.
24/7 aniyang nakaalerto ang kasundaluhan at kapulisan upang mamonitor ang anumang posibleng aktibidades ng NPA.
Sa ngayon aniya ay wala pang nakikitang pagkilos ang makakaliwang pangkat at mahigpit na binabantayan ang mga barangay sa Kalinga at Abra na mayroon pang presensiya ng NPA.
Patuloy naman nitong hinikayat ang publiko na suportahan ang kampanya kontra insurhensiya ng pamahalaan at mga ahensiyang kabilang sa NTF-ELCAC.