Ilang sakahan sa Batangas City, patuloy na pinipinsala ng Fall Armyworms

Batangas City – Patuloy na namiminsala sa mga sakahan ang mga fall armyworms sa mga taniman ng mais sa lungsod ng Batangas partikular sa Barangay Sorosoro Karsada.

Sa panayam ng Brigada Batangas kay Norwin Dimaano nagmamay-ari ng taniman ng mais sa Barangay Sorosoro Karsada, ang nasa isa’t kalahating ektarya ng kaniyang maisan ay patuloy na sinisira ng naturang peste.

Ilang taon na rin itong nararanasan ng mga corn farmers sa lugar at ang pesticides na ibinibigay sa kanila ng City Agriculture ay kulang para sa kanilang mga pananim.

Aniya pa, bagama’t ilang beses na rin siyang nag spray sa kaniyang taniman, mayroon pa ring mga pailan-ilang natirang armyworms.

Sa katunayan, noong nakaraang anihan ay malaki ang nalugi sa kaniya dahil sa mga mapaminsalang uod.

Matatandaan na sinabi ng City Agriculture Office normal na nananalasa ang mga armyworm sa mga maisan at kontrolado ito ng mga magsasaka.