CAMARINES NORTE- Sinamantala ng mga tauhan ng Camarines Norte Electric Cooperative (CANORECO) ang labingdalawang oras na power service interruption ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) noong Sabado para ilipat ang ilang mga poste na apektado ng road widening project.
Ginawa ang paglilipat ng mga poste ng kuryente sa Barangay Daguit at Exciban sa bayan ng Labo kung saan mayroong road widening project ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Matatandaan na base sa inventory ng naturang kooperatiba ng kuryente noong Enero nasa mahigit 900 ang poste na dapat tanggalin o ilipat dahil sa road widening project.
Ang listahan ng mga papalitang poste ng kuryente ay isinusumite sa National Electrification Administration (NEA).
Maliban naman sa paglilipat ng poste, nagkaroon din ng pagpapalit ng NGCP 69kV line suspension insulator sa Brgy. Talobatib.
Dito naman sa bayan ng Daet ay naglagay ng linya at inayos ang mga nakahapay na poste.
Ang 12- oras na power service interruption ng NGCP sa halos buong lalawigan ng Camarines Norte noong Sabado ay dahil sa pagpapalit ng Labo-Talisay 69kV Feeder disconnect switch at iba pang substation maintenance activities.
(Photos: Canoreco)




