Sinalakay ng mga operatiba ng Bureau of Customs ang isang bodega sa San Fernando City sa Pampanga dahil sa ‘di umano’y pagho-hoard nito o pangiimbak ng sako-sakong mga asukal.
Ito ay kasunod ng utos ni Executive Secretary Vic Rodriguez sa gitna pa rin ng isyu ng kakulangan sa suplay ng asukal pati na rin ang kontrobersyal na unauthorized importation ng 300,000 metric tons nito.
Ni-raid ang Lison Building sa Barangay del pilar kung saan ay na-rekober ang sako-sakong mga asukal na inimport umano mula sa Thailand.
Maliban dito, na-diskubre rin ang daan-daang mga sako ng asukal na naka-load sa mga delivery vans.
Samantala, narekober din ang ilang sako ng mga imported corn starch mula sa China, mga imported na arina, plastic products, mga langis sa plastic barrel, at iba pang mga pinaniniwalaang ipinuslit na goods.
Sa oras na mapatunayang smuggled ang mga ito ay kaagad na sasampahan ng kaso ang may-ari ng warehouse.
Nagbabala naman si Rodriguez na ang raid sa warehouse na ito ay dapat nang magsilbing paalala sa iba pang mga traders na nagbabalak mag-hoard ng mga agricultural products.
Samantala, inilunsad din ang hiwalay na operasyon sa Bulacan.
Sa ulat ng Office of the Press Secretary, isinagawa ang magkahiwalay na inspeksyon sa San Jose del Monte Bulacan.
Dito nadiskubre ang tinatayang nasa 30,000 na sako ng iba’t ibang uri ng asukal na katumbas ng higit 2,000 metric tons.
Pareho umano itong pagmamay-ari ng isang ‘Victor Chua’ at nagkakahalaga ng nasa P215 million.
#