CAMARINES NORTE- Ginagamit na ulit na isolation facility ang ilang eskwelahan sa lalawigan ng Camarines Norte makaraang sumipa ang mga naitatalang kaso ng COVID- 19.
Ayon sa Department of Education (DepEd) kabilang sa mga eskwelahang ginagamit ngayon bilang isolation facility ay ang San Vicente Central School, Bernardo Olis Elementary School at Froilan Lopez High School, lahat sa bayan ng San Vicente.
Sa text message naman sa Brigada News FM Daet, kinumpirma ni Schools Division Superintendent Nympa Guemo na inaprobahan rin ng DepEd ang request ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Mercedes na magamit ang Mercedes High School bilang isolation facility hanggang June 30 nitong taon pero hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nagagamit ang mga classroom doon.
Para magamit bilang isolation facility ang eskwelahan kailangang makumpleto ng LGU ang mga hinihinging rekisitos.
Kabilang dito ang letter request ng LGU sa Regional Director ng DepEd, Certification ng Provincial Health Office (PHO) at ng counterpart nito sa munisipyo na nagsasabing ang eskwelahan ay angkop na gamiting quarantine facility, pinirmahang Memorandum of Agreement (MOA) at pirmadong Terms and Condition.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH) umaabot na ngayon sa 730 ang kabuuang kaso ng COVID- 19 sa probinsiya makaraang makapagtala ng 26 na mga bagong kaso kahapon.
Sa bilang na ito, nasa 254 ang aktibong kaso at mayroong 443 recoveries.
Nadagdagan naman ng dalawa ang namatay dahil sa sakit kaya’t 32 na ang death toll sa lalawigan.

