NAGA CITY—Inabisuhan ng Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO Tigaon ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4Ps na huwag na sanang pumunta sa venue ng pay-out para sa AICS-Educational Cash Assistance na ginanap kahapon.
Batay sa abiso ni Joel Brutas ng MSWDO Tigaon, mayroon nang ibinabang listahan ng mga benepisyaryo sa bawat Barangay mula sa DSWD na makakatanggap ng cash assistance partikular yung mga nagpa-rehistro online.
Base sa kanilang pagsusuri sa ibinigay na listahan, may mga 4Ps household members ang napabilang.
Posible aniyang nag-online register ang mga ito bago pa man magpalabas muli ng abiso si DSWD Sec. Erwin Tulfo na hindi na kasama ang mga 4Ps beneficiaries sa makakatanggap ng AICS-Educational Cash Assistance.
Aniya, kung nagpila parin ang mga ito, maaaring ibawas sa kanila sa susunod na payout ng 4Ps ang perang natanggap sa AICS.