NAGA CITY – Dapat isaalang-alang kung ano ang mas makakabuti sa mga mag-aaral bago tuluyang magdesisyon na ipatigil at alisin ang K to 12 Curriculum ng Department of Education. Ito ay bunsod nang iminungkahi ni Kabataan Partylist Rauol Manuel kay incoming DepEd Secretary Senator Sonny Angara na ibasura na ang K to 12 Curriculum dahil sa bigo pa rin itong mapaganda ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Ibinahagi sa Brigada News FM Naga ni Renan Relloso, Head Teacher ng Technical Livelihood Education sa San Jose National High School sa Camarines Sur, ang mga positibo at negatibong epekto ng pagkakaroon ng K to 12 Curriculum ngayong panahon. Habang ang karamihan ay tinitignan ang dagdag na dalawang taon sa high school bilang dagdag din sa mga gastusin, isa sa mga binigyang diin ng guro na mas maraming nakukuhang kaalaman at impormasyon ang mga kabataan dahil sa mas tutok ang mga asignatura sa pagpapalakas ng kanilang mga kakayahan.
Sinang-ayunan naman ito ni Ramon Geronimo Jr., School Principal ng San Isidro National High School sa Naga City. Anya, nakikita nila ang mas maraming benepisyong hatid ng bagong curriculum dahil mas nabibigyan ng sapat na training ang mga ito na magagamit nila sa kanilang trabaho sa hinaharap.