SORSOGON CITY – Dalawa ang nagbuwis ng buhay habang isa ang sugatan sa nangyaring aksidente sa bayan ng Juban, Sorsogon hapon noong Linggo, Hulyo 25 sa Brgy Tughan.
Sa ulat na natanggap ng Brigada News FM-Sorsogon, lumalabas na human error ang nangyari sa loob mismo ng Quarantine Facility.
Batay sa ulat, sa pag-aakala umano ng driver ng ambulansya na nailagay niya ang kanyang behikulo sa ‘park mode,’ agad na ibinaba nito ang handbrake na naging dahilan ng biglang pag-andar ng mabilis ng ambulansya na hindi na nakontrol pa ng driver.
Bunsod nito, naararo ang mga biktima na nag-aayos ng tent at nabangga din ang isang motorsiklo.
Kinilala ang mga nasawi na sina Nestor Don Habla, 23-anyos, binata at Celbert Don Grajo, 23-anyos, binata parehong residente ng Brgy North Poblacion at ang sugatang na si Mark Anthony Hesarsa Griego, 37-anyos naninirahan sa Brgy Cogon ng nasabing bayan. Ang driver naman ay nakilalang si Oriel Gabion Gabito, 56-anyos, may asawa at residente ng Brgy Cogon.
Naitakbo pa sana ang mga biktima sa RHU subalit hindi na ito umabot ng buhay.
Nabatid din na ang driver ng LGU ambulance ay walang professional driver’s license (PDL).
Inihahanda na ang kaukulang kaso na isasampa sa driver ng ambulansya.


