Isusulong ng mga kongresista na taasan ang panukalang budget ng Department of Trade and Industry o DTI para sa susunod na taon.
Nabatid kasi sa pagdinig ng House Appropriations Committee na masyadong maliit ang proposed budget ng DTI na nagkakahalaga ng 7.9 billion pesos kung titingnan ang priority programs nito.
Sinabi ni Pangasinan 4th District Representative Christopher de Venecia na magkakaisa ang mga mambabatas sa pag-lobby ng karagdagang pondo para sa labindalawang main programs ng DTI at attached agencies.
Nagsisilbi aniyang pundasyon ng ekonomiya ang micro, small and medium enterprises at bahagi pa ito ng Philippine Development Plan priority ni Pangulong Bongbong Marcos.
Idinagdag ni Marikina City Second District Representative Stella Quimbo na mahigit tatlumpung porsyento ang ambag ng trade and industry sa gross domestic product ng bansa.
Batay sa naunang proposal ng DTI, 21.027 billion pesos sana ang hiling nitong pondo sa 2024 bagama’t ang naaprubahan ay mas mataas kumpara sa 2023 General Appropriations Act.
