Tiniyak ng House Committee on Agriculture na hindi lubhang maaapektuhan ng tariff reduction sa rice imports ang suporta ng gobyerno para sa mga lokal na magsasaka.
Sa pulong balitaan kasama si Speaker Martin Romualdez ngayong araw, sinabi ni Agriculture Committee Chairman Mark Enverga na kahit tumaas sa 15 billion pesos ang alokasyon para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF sa isinusulong na amiyenda sa Rice Tariffication Law ay sigurado na itong mapopondohan sa susunod na taon.
Sa ilalim ng kasalukuyang RCEF ay sampung bilyong piso ang inilalaan bilang Rice Fund mula sa tariff collection sa inaangkat na bigas upang pondohan ang farm mechanization, provision ng mas magagandang binhi at training sa bagong farming technologies.
Matatapos na dapat ang RCEF ngayong taon ngunit ang nakabinbing RTL amendments ay may layuning palawigin ito hanggang taong 2030.
Ipinaliwanag ni Enverga na sisiguraduhin nilang hindi malulugi ang rice farmers sa pagsisikap ng gobyerno na maibaba ang presyo ng bigas na pakikinabangan ng milyun-milyong consumers.
Sa datos ng Bureau of Customs, sa unang limang buwan pa lamang ng 2024 ay pumalo na sa 21 billion pesos ang tariff collection sa rice imports na higit pa sa sapat para pondohan ang mas malaking alokasyon sa Rice Fund.
Iginiit pa nito na kahit mabitin ang RCEF allocation ay magbibigay pa rin ang gobyerno ng pondo upang punuan ang pagkukulang sa Rice Fund.