House, ipinagluluksa ang pagpanaw ni Cavite Rep. Pidi Barzaga

Yumaong si Congressman Pidi Barzaga, malaking kawalan para sa Kamara ayon sa liderato.

Nawalan ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ng mahusay na “legal thinker” sa pagpanaw ni Cavite Fourth District Representative Elpidio “Pidi” Barzaga.

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, maaalala nito at ng mga kasamahan sa Kamara si Barzaga bilang isang mambabatas na makapagbibigay ng payong legal at ipinauunawa ang budget ng gobyerno.

Sa katunayan, ibinahagi ni Romualdez na madalas siyang kumokonsulta kay Barzaga sa ilang isyung legal at hindi ito nagdadalawang-isip na tumulong.

Bukod dito, lagi aniyang aktibo at handang-handa sa committee hearings ang yumaong kongresista.

Kasabay nito, nagpaabot ng pakikiramay ang House Speaker sa mga naulilang pamilya at constituents ni Barzaga.

Sa isang statement ng kampo ni Barzaga, inanunsyo nito na pumanaw ang 74 anyos na kongresista sa California, USA.

Ilan sa mga naisulong ni Barzaga ang dedikasyon sa edukasyon, kalusugan at pagsugpo sa kahirapan pati na sa ipinamamalas na malasakit at paghahanap ng hustisya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *