Naiulat ng Department of Health na hindi pa rin nagbabago ang utilization rate sa mga ospital matapos maobserbahan ang pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 nitong panahon ng Kapaskuhan.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang pag-angat ng daily positivity rate sa National Capital Region (NCR) sa mahigit 5% ay hindi pa nakikita sa utilization ng mga ospital.
Sa ngayon ay ipinunto ni Vergeire na nasa 17% pa rin ang utilization ng mga ospital.
Ipinaliwanag ng opisyal na ang ibig sabihin nito ay hindi pa punuan sa mga pagamutan.
Gayunman, ipinunto ni Vergeire na mayroon nang mga pasilidad ang nakapagtala ng pagdami ng mga pasyente nito na may mga sintomas ng COVID-19.
