Pinagpapaliwanag ni Senador Risa Hontiveros ang Maritime Industry Authority (MARINA) at ang Commission on Higher on Education (CHED) ukol sa kakulangan umano ng training at edukasyon ng mga seafarer sa bansa.
Sa inihaing House Resolution No. 279 ni Hontiveros, plano nitong busisiin ang ginagawa ng MARINA at CHED para mapaghusay ang kalidad ng training ng mga Pilipinong marino.
Puntirya ng mambabatas na komprontahin ang mga nasabing ahensya kasunod ng report ng European Maritime Safety Agency (EMSA) na maraming pagkukulang ang pamahalaan pagdating sa pagpapabuti ng edukasyon sa mga marino.

Ayon kay Hontiveros, taong 2006 pa, nagbigay babala na at nasita na ng EMSA ang training sa bansa, pero lumilitaw na mayroon pa ring pagkukulang kagaya ng kabiguan ng CHED na magsapinal ng program design ng maritime courses.
Nakasaad pa sa resolusyon ang babala ng Senadora na kapag hindi tumalima ang Pilipinas sa mga kondisyon ng EMSA, hindi lamang 50,000 ng mga Pilipinong marino sa mga EU flag vessel at kanilang pamilya ang maaapektuhan kundi pati na ang lahat ng mga Pilipinong seafarers sa buong mundo dahil posibleng makwestyon ang kanilang kakayanan at reputasyon. //MHEL PACIA/CM