Iginiit ni Senator Richard Gordon na “big mistake” ang payo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng Gabinete nito na huwag dumalo sa mga hearing ng Kongreso.
Si Gordon ang nangunguna sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa procurement ng Department of Budget and Management ng overpriced COVID-19 equipment.
Sinabi ni Gordon na ang utos ng Pangulo sa mga miyembro ng Gabinete na huwag dumalo sa mga hearing ng Senate Blue Ribbon Committee ay patunay na meron itong tinatago.

Kaugnay nito ay sinabi ni Gordon na posibleng maharap si Senator Christopher Bong Go sa imbestigasyon ng Senate Ethics Panel dahil sa mga kaugnayan umano nito kay dating Budget Undersecretary Christopher Lloyd Lao.
Ito ay matapos matuklasan na meron tatlong dating opisyal sa ilalim ng Department of Budget and Management ang konektado sa mga transaksyon kasama ang Pharmally, na isang kompanya na gumagamit ng pekeng mga address sa kanilang incorporation records.
Nagtrabaho ang mga nasabing opisyal sa ilalim ni Go, nang pamunuan nito ang Presidential Management Staff mula June 2016 hanggang October 2018.
Ang tinutukoy ni Gordon ay sina Lao, Warren Liong, at Anderson Lo, na mga dating opisyal ng gobyerno na nasangkot sa disbursement ng P67-billion mula sa DOH papunta sa DBM Procurement Service para sa pagbili ng overprices face masks, face shields at PPEs.