LEGAZPI CITY – Malaki umano ang benepisyo sa turismo ng Albay ang hindi pagkansela ng flights ng airline companies sa kabila ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa Albay.
Ito ang inihayag ni Provincial Tourism, Culture and the Arts Officer Dorothy Colle sa Brigada News FM Legazpi.
Ayon kay Colle, kung ikukumpara sa 2018 eruption, mas maayos ngayon ang lagay ng turismo sa lalawigan, dahil noong taong iyon, kanselado ang mga flights dahil sa panganib ng bulkan.
Dagdag pa niya, dapat i-take advantage na ngayong hindi kanselado ang mga flights dahil marami ang mga turistang bumibisita sa lalawigan.
Kinumpirma naman ni Colle na mas dumami ang mga bumibisita sa lalawigan dahil sa kagustuhang masilayan ang bulkan sa kasalukuyang nitong sitwasyon.