Australia —Wala na sigurong mas sasakit pa tuwing tayo ay mawawalan ng kamag-anak o kapamilya. Isa ito sa mga mahihirap na pagsubok na maaaring dumating sa ating buhay lalo na kung ito ay biglaan at hindi mo inaasahan. Kaya naman nararapat lamang na ipadama natin sa ating mga mahal sa buhay ang ating pagmamahal sakanila, habang sila ay nabubuhay pa.
Sa New South Wales sa bansang Australia, isang magsasaka ang binalot ng pagluluksa at kalungkutan matapos na pumanaw ang kanyang tiyahin dahil sa sakit nitong cancer.
Dahil sa mga ipinatutupad na COVID-19 restrictions, hindi magawang bisitahin ni Ben Jackson ang kanyang Aunt Debby kahit hanggang sa mga huling araw na paglalagi nito sa mundo.
Kinakailangan niya kaseng bumiyahe mula New South Wales patungong Brisbane para makapunta sa burol ng kanyang namayapang tiyahin. Bagay na hindi niya magawa dahil sa mga ipinatutupad na travel restrictions.
Bunsod nito, napagpasyahan niyang idaan na lamang sa pagbuo ng higanteng puso sa pamamagitan ng kanyang mga alagang tupa ang pagpapahayag ng kanyang pagmamahal sa yumaong tiyahin.
Inilagay niya ang mga pagkaing damo ng mga tupa sa korteng puso kaya’t nang ang mga ito’y kanyang pinakawalan kusa ng mga itong sinunod ang napakalaking hugis puso.
Ayon kay Ben, matagal na siyang gumagawa ng iba’t-ibang imahe sa pamamagitan ng kanyang mga alagang tupa at gustong-gusto ito ng kanyang tiyahin noong ito ay nabubuhay pa.### JUMEL DELA ROSA
