Haunted house na naging inspirasyon ng pelikulang “The Conjuring”, naibenta sa halagang $1.5 million

Marahil ay pamilyar na sa karamihan sainyo ang box office hit at award winning horror movie na “The Conjuring” na ipinalabas noong taong 2013, kung saan umikot ang istorya nito sa isang paranormal activity na nangyayari sa loob ng isang lumang bahay na pinamumugaran ng “demonic activities”.

Bagaman sikat na sikat ang nasabing pelikula dahil umabot sa tatlo ang “sequel” nito, lingid sa kaalaman ng marami na ibinase ang kwento sa tunay na pangyayari sa naitala sa isang haunted house sa Rhode Island.

Batay sa ulat, kamakailan lamang ay naibenta na ang naturang haunted house sa halagang $1.5 million kung saan isang real estate developer ang nakabili nito na kinilalang si Jacqueline Nuñez.

Aabot umano sa 3,109 square meters ang lawak ng bahay ayon sa dating may-ari nito na sina Jenn at Cory Heinzen na pawang mga paranormal investigators.

Simula 2019, ang naturang bahay ay ginawang tourist attraction at binuksan para sa mga fans ng “The Conjuring” at ayon kay Nuñez plano niyang ipagpatuloy ang nasimulan ng dating may-ari ng bahay.

Bagaman hindi dito kinunan ang nasabing pelikula, ang nangyaring kababalaghan dito noong 19th century partikular ang insidente ng pagpapakamatay, rape at murder ang naging inspirasyon upang mabuo ang pelikulang “The Conjuring.”### JUMEL DELA ROSA, BNFM Bicol