Halaga ng shabu na nasabat sa loob ng limang linggo, kayang magpondo ng election campaign

Ikinabahala ni House Dangerous Drugs Committee Chairperson at Surigao Del Norte Representative Robert Ace Barbers ang pamamayagpag ng mga drug lord sa unang isa’t kalahating taon ng administrasyong Marcos.

Sa pag-arangkada ng imbestigasyon ng Kamara sa pagkakapuslit ng bilyun-bilyong pisong halaga ng droga sa Pampanga, inihayag ni Barbers na sa nakalipas lamang na limang linggo ay nakasabat ang mga awtoridad ng 1.3 tons ng pinaniniwalaang shabu.

Katumbas ito ng street value na mahigit tatlumpung bilyong piso na ayon kay Barbers ay kayang magpondo ng election campaign ng isang presidential candidate.

Iginiit ng kongresista na maituturing itong matagumpay na pang-iimpluwensiya ng mga drug lord sa political arena ng bansa.

Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos mula July 2022 hanggang sa kasalukuyan ay pumalo na sa 4.4 tons ng ilegal na droga ang nasamsam ng law enforcement agencies.

Kasama na rito ang 200 kilos ng droga sa Mabalacat City, Pampanga noong Agosto, 560 kilos sa Subic Port na dinala sa bayan ng Mexico noong Setyembre at ang 323 kilos na nakumpiska sa Manila International Container Port.

Dagdag pa ni Barbers, dahil mayroong mangilan-ngilan na law enforcers na naliligaw ng landas ay hindi dapat magpabaya ang pamahalaan.

Kailangan aniya ng whole-of-nation approach upang mawakasan ang problema kaya naman handa ang Kongreso na suportahan ang mandato ng concerned agencies.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *