NAGA CITY—Bayaning maituturing para sa mga kapwa guro ang Senior High School Teacher na sinubukan sanang sagipin sa rumaragasang tubig sa spill sa isang Barangay sa Bato ang kapwa nito guro subalit siya ang sinawimpalad.
Kinilala ang biktima na si Romeo Sison Jr.,may asawa, residente ng Libmanan na naka-assigned bilang Public School Teacher sa San Roque High School sa Barangay San Roque, Bato.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay PCPT Reymond P. Qunito, OIC ng Bato MPS, dakong alas-5:45 kahapon ng hapon nang mangyari ang insidente.
Tumatawid aniya ng mga oras na iyon sa spillway sakay ng kanilang bisekleta ang biktima kasama ang co-teacher nitong si Gemmo Intia y Almazan, residente ng Barangay Divina Pastora, Bato nang biglang anurin ng rumaragasang tubig baha na kasalukuyang umaapaw sa naturang tulay si Teacher Gemmo, dali-dali naman sana siyang ni-rescue ng biktima subalit tinangay ito ng malakas ng agos hanggang sa mawala.
Nakaligtas naman si Teacher Gemmo na agad na nagpasaklolo sa PNP at MDRRMO. Alas-7:35 na nang gabi nang marekober ang labi ng biktima na agad namang nadala sa ospital subalit ideneklara itong dead on arrival.
Kaugnay nito, sinabi ni Quinito na nakikipag-ugnayan na sila sa Pamahalaang Lokal upang magsagawa ng kaukulang hakbang upang hindi na maulit pa ang ganitong trahedya lalo pa’t nagsimula na ang pagbabalik eskwela ng mga mag-aaral.