Guro, na-trauma matapos masaksihan ang engkwentro kahapon sa Daraga; bag, tinamaan ng bala

LEGAZPI CITY – Trauma ang inabot ng isang guro sa kanyang naging karanasan sa nangyaring engwkentro kahapon sa pagitan ng mga miyembro ng New Peoples Army (NPA) at ng hanay ng gobyerno sa Brgy. Bascaran, Daraga, Albay.

Ayon kay alyas “Teacher Ann”, naipit sila sa barilan nang papauwi na siya galing sa paaralan na kanyang pinagtuturuan.

Umiyak umano siya at nagsisigaw mas lalo pa’t nakita niya ang gunman sa likod lang ng jeep na sinasakyan nila.

Nakatutok umano sa kanya ang baril at nataon din na kasama nito ang mga estudyante.

Ginawa niyang panagga o proteksyon ang kanyang bag dahil inaasahan nilang tatamaan sila ng bala na siyang nangyari.

Maikokonsidera niya umano itong ikalawang buhay at nagpapasalamat dahil ligtas sila mas lalo pa ngayon na siya ay buntis.

Matatandaan na napatay kahapon ang 2 pinaniniwalaang miyembro ng NPA na kinilalang sina Rizaldy Perdigon, alyas “Sandro”, member PLTN 3, SRC3, BRPC at head ng RBKU in Albay at si Allan Balde Leron, alyas “Jason” na member PLTN 3, SRC3, BRPC nang makasagupa ang tropa ng gobyerno habang nagsasagawa ng traffic decongestion.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *