Ibinunyag ni House Deputy Speaker Jayjay Suarez na naging magkasosyo sa operasyon ng ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sina dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo at mga personalidad na nasa likod ng kontrobersyal na kumpanyang Pharmally.
Sa ikapitong pagdinig ng Quad Committee sa Kamara, ipinrisinta ni Suarez sa “matrix” ang kaugnayan ni Guo kina Michael Yang at Allan Lim na kapwa isinangkot sa Pharmally Pharmaceutical Corporation na may kinalaman sa pagbebenta umano sa gobyerno ng overpriced na medical supplies noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Nadiskubre ng Quad Comm ang kaugnayan ng Empire 999 Realty Corporation kay Yang kung saan sa warehouse nito sa Mexico, Pampanga ay tumambad ang 3.6 billion pesos na halaga ng shabu noong 2023.
Tinukoy ni Suarez na ginamit umano ni Lim ang asawang si Rose Nono Lin upang gawing incorporator ng hindi bababa sa walong kumpanya na konektado kay Yang at may malaking papel sa pagpapalawak ng operasyon.
Si Lin ang sinasabing stockholder ng Pharmally Biologicals na sister company umano ng Pharmally.
Ginamit aniya si Lin bilang nominee ng mga kumpanya upang maitago ang totoong may-ari nito.
Samantala, ang naarestong kapatid ni Michael Yang na si Tony Yang ay pangulo umano ng Oro One, Inc. na isang service provider ng isa sa mga POGO company ni Lim na Xionwei Technologies.