LEGAZPI CITY – Hindi umano magpapa-decamp ng mga Mayon Volcano evacuees ang lokal na pamahalaan ng Guinobatan, Albay sa pangunguna ni Mayor Paul Chino Garcia sa kabila ng kahilingan ni Albay Gov. Atty. Edcel “Grex” Lagman.
Matatandaan, sa isinagawang press briefing sa Provincial Capitol noong isang araw, kwinestiyon ng gobernador ang pagpapalikas ng dalawang alkalde sa mga residente kahit pa hindi naman pasok sa 6 kilometers permanent danger zone.
Ani Lagman, kinakailangan kasing mapagkasya ng lalawigan ang budget, pagkain, donasyon at mga pangangailangan at mapunta ang mga ito sa totoong apektadong mga residente.
Subalit, sinabi naman ni Garcia sa panayam na hindi siya sumasang-ayon sa pagpapa-decamp sa mga evacuees dahil kahit na hindi pasok sa nasabing PDZ ang mga barangay ng Maninila at Tandarora, sakop pa rin ito ng extended permanent danger zone (EDZ).
Aniya, ang mga nabanggit na barangay ay napapalamanan ng dalawang major channels ng bulkan.
Hindi umano ligtas ang mga lugar na ito sakali mang pumutok ang bulkan o magkaroon ng ash fall lalo na kung dumating na ang tag-ulan. Samantala, sa ngayon ayon sa alkalde, nasa mahigit 900 na ang mga pamilyang kasalukuyang nasa evacuation centers na binubuo ng humigit-kumulang 3,000 katao at bawat pamilya naman ay nakakatanggap ng mga benepisyo tulad ng relief goods, food packs at iba pa.