NAGA CITY- Inilabas na ng Archdiocese ng Caceres ang guidelines ukol sa paparating na Peñafrancia Festival 2022.
Ang tanong ng marami mangyayari na kaya muli ang Translacion Procession at Fluvial Procession na dinadaluhan ng halos milyong deboto?
Nakapalaman sa memorandum circular na pirmado ni Archbishop Rolando J. Tria Tirona, O.C.D., D.D na sasakyan ang magdadala sa image ni Nuestra Señora De Peñafrancia sa Metropolitan Naga Cathedral mula sa Peñafrancia Shrine kapag Traslacion habang lilimitahan naman ang sakay ng pagoda sa fluvial procession.
Nangangahulugan ito na hindi makikita ang nagsisiksikang voyadores para maitulak ang andas. Nakasaad din na ipagbabawal pa ang paghalik sa imahe ni Ina at El Divino Rostro.
Paliwanag ni Fr. Louie Occiano, head ng Caceres Commission on Communications ito ang napagpasyahan dahil sa pandemya. Hindi pa nila napag dedesisyunan ang bagal o bilis ng takbo ng sasakyan sa prosisyon o foot procession ang gagawin.
Batid naman na maikukumpara ang pagtitipon sa rallies nitong nagdaang eleksyon, pero ayon kay Occiano, ang mga rallies ay hindi naman tulad ng Traslacion ang siksikan na halos magkapalit-palit na ng mukha ang mga voyadores, halo-halo ang pawis at iba pa.
Gayunpaman sinabi nitong, ang detalye ng guidelines ay ilalabas nila sa mga susunod na linggo at maaari pa itong mabago depende sa sitwasyon ng bansa bago ang Setyembre sa COVID-19 pandemic.
