Umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa mga kinauukulang government agencies na madaliin ang pagpapalabas sa mga allowances at benepisyo ng mga manggagawa mula sa public health sector, kasunod ng reklamo na ipinarating ng health workers, kamakailan.
“Bilang Chair ng Senate Committee on Health, umaapela po ako sa mga concerned agencies na siguraduhing walang pending pa na allowance at iba pang benepisyo para sa ating mga health workers. Huwag na dapat patagalin at ibigay na po ang dapat ibigay na nararapat sa kanila,” saad ni Go.
Ayon kay Go, sa harap na ang effectivity ng funding provisions ng Bayanihan 2 ay inaasahang mapapaso na ngayong Hunyo 30, dapat umanong siguraduhin ng mga ahensya na mailalabas kaagad ang pondo, maipapatupad ang programang nakasaad sa batas at hindi masayang ang oportunidad na may makabenepisyo dito.
“Alam niyo, pinaghirapan po namin ito sa Kongreso. Ilang araw lang po inaprubahan kaagad namin. So ‘yung bola po nasa inyo na po. Huwag niyo na po sayangin ang panahon dahil alam niyo walang katumbas ang sakripisyo ng ating health workers at ang iba po sa kanila ay nagbuwis ng buhay upang proteksyunan at makapagserbisyo sa kapwa,” giit ng senador.
Binigyang diin rin nito na bilang mambabatas, hindi umano siya papayag na may kapabayaang mangyayari, lalung lalo kaugnay sa usapin ng maayos na pagpapatupad ng mga batas.
