Nilinaw ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na hindi siya tatakbong senador sa 2025 midterm elections.
Sa isang statement, iginiit ni Arroyo na hindi na siya interesado na sungkitin muli ang posisyon sa Mataas na Kapulungan.
Sa halip, nanindigan ang dating pangulo na nagdeklara na siyang kakandidato bilang congresswoman sa ikalawang distrito ng Pampanga para sa ikalawang termino.
Committed umano siya na tugunan ang pangangailangan at mga prayoridad ng nasasakupan at ng buong lalawigan.
Samantala, tatangkain ng dating economic adviser ni Arroyo na si Albay Second District Representative Joey Salceda na maluklok muli bilang gobernador ng lalawigan.
Naghain ng certificate of candidacy ang kinatawan ni Salceda sa COMELEC-Albay na si Atty. Rodolfo Jong Bonafe Jr.
Maging ang campaign manager ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na si Representative Toby Tiangco ay naghain na rin ng COC para sa re-election nito bilang kinatawan ng Navotas City.
Ang opisyal na nag-anunsyo na tatakbong senador sa midterm polls ay si SAGIP Party-list Representative Rodante Marcoleta.
Sa isang social media video, binigyang-diin ni Marcoleta na bunsod ito ng mga panawagan at mga huling kaganapan na may kaugnayan sa pulitika.