Tokyo, Japan— Noon pa man, iba na talaga ang galaw ng teknolohiya sa bansang Japan kung ikukumpara sa mga karatig na bansa sa Asya. Ang ganitong kaunlaran sa larangan ng teknolohiya ang dahilan kung bakit ang Japan ay may magandang reputasyon sa industriya ng automotive at electronics mula pa noong 1960’s.
Sa kasalukuyan, ang bansang ito ang nangunguna sa produksiyon ng mga gadgets at iba pang makabagong kagamitan na malaki ang ambag sa presenteng panahon sa larangan man ng medisina, advertising at maging sa pang-araw araw na buhay.
Sa Shinjuku District sa Tokyo, agaw atensyon ngayon ang isang billboard na nagpapakita ng dambuhalang 3D na pusa na halos 18 oras na gumagalaw at nag me-meow. Tinitingala ito ng mga taong tumatawid sa kalsada dahil sa makatotohanang paglalakad, pagtulog at paghuni.
Mapapanuod sa isang 1,664 sq foot na curved na LED screen ang giant cat na naka pwesto sa tuktok ng isang gusali sa Shinjuku District.
Sadya itong ginawang agaw atraksiyon upang mag stand out sa mga katabi nitong billboard na ginagamit sa advertising dahil ayon sa datus, umaabot ng halos 200,000 na mga pedestians ang tumatawid dito sa kada araw.|| JUMEL DELA ROSA