CAMARINES NORTE- Tiniyak ng lokal na simbahan sa lalawigan ng Camarines Norte na maaabot hanggang ang mga nasa baba ng magiging konsultasyon at pakikipag usap kasunod ng paglulunsad ng Diocesan Phase ng Synod on Synodality.
Sa isang video message, hinimok ni Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon ang bawat isa na ipagdasal ang gagawing paghahanda para dito dahil kakaiba umano ito kumpara noong mga nagdaang Synod.
Aniya, kung dati ay ang mga Obispo lang ang kinukunsulta sa iba’t ibang usapin sa loob ng simbahan ngayon umano ay nais ni Pope Francis na mapakinggan ang saloobin ng bawat isa hanggang sa baba at ito raw ang pagsusumikapan nilang gawin.
“Dati ang pagtatanong, ang pagkukunsulta ay sa mga Bishops lamang pero ngayon nais ni Pope Francis na mapakinggan ang bawat isa hanggang doon sa baba kaya siskapin nating gawin ito,” ani Alarcon.
Sabi pa ng Obispo marami na ang nagbago sa mundo sa pagpasok ng ikatlong milenyo at nadagdagan pa ito nang higit na pagbabago nang magkaroon ng pandemya.
Kaya naman ang bawat isa umano ay tinatawag ng Santo Papa na tumugon sa mga pagbabagong ito na hindi kinakalimutan ang pananampalataya sa halip ay dalhin ang aral ni Kristo sa kasalukuyan.
Sisikapin din umano ng Diocese of Daet na magkaroon ng pagtitipon- tipon bilang mga pangkat ng mga taong nasa loob at labas ng simbahan upang matanong at makunsulta hinggil sa mga usaping nakapaloob dito.
“Dito sa ating Diyosesis sa ating mga parishes, magsusumikap tayo na magtipon- tipon bilang mga pangkat, mga taong simbahan, maging ang ng mga nasa labas ng simbahan, iba’t- ibang grupo, iba’t ibang pangkat upang matanong makunsulta, makumusta kung paano tayo magiging simbahan sa panahon ngayon.”

