Pormal nang inanunsyo ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas na tatakbo siya sa pagka-senador sa 2025 midterm elections.
Kasama ang koalisyon ng mga leader at women’s groups, sinabi ni Brosas na ang kanyang desisyon ay nag-ugat sa pangangailangang ipagtanggol ang karapatan ng mga kababaihan laban sa umano’y “patriarchal” at anti-women policies.
Bitbit ang mahigit dalawang dekadang karanasan sa pagiging aktibista at walong taon bilang kongresista, binigyang-diin ni Brosas na napapanahon na ang pagkakaroon ng umano’y genuine leaders sa harap ng socio-political climate at matinding pag-atake sa karapatan at kapakanan ng kababaihan.
Ibinida rin nito ang mga isinulong na panukalang batas sa Kamara tulad ng Occupational Safety and Health Law, Expanded Maternity Leave Law, Expanded Solo Parent Welfare Act, Safe Spaces Law at Republic Act 11648 na nagtataas sa edad para sa statutory rape.
Bago ang pasya ni Brosas, nauna nang tinanggap ni ACT Teachers Party-list Representative France Castro ang hamon na tumakbo sa pagka-senador matapos himukin ng grupo ng mga guro.
Sa isang pulong balitaan ay kinumpirma ng Makabayan Bloc na target nilang maglagay ng “full Senate slate” mula sa iba’t ibang sektor bagama’t bukas din silang makipag-usap sa ibang partido para sa posibilidad ng pakikipag-alyansa.