SORSOGON CITY – Kahit ang mga fully vaccinated na indibidwal ay hindi pa rin libre na makapaglabas-pasok sa lalawigan.
Ito ang binigyang diin ni Sorsogon Provincial Information Officer (SPIO) head Salvador “Dong” Mendoza.
Ayon dito, sinumang manggagaling sa labas ng lalawigan at papasok ay obligado pa ring magpresenta ng negative antigen o swab test result kahit pa nga ang nasabing indibidwal ay nakatanggap na ng 1st at 2nd dose ng bakuna at sa oras na mabigong makapagpakita ng nasabing mga dokumento ay awtomatikong ididiretso sa quarantine facility sa Barangay Cabid-an sa lungsod.
Paliwanag pa ng opisyal, ang pagiging fully vaccinated kasi ay hindi naman katiyakan na hindi na tatamaan o mahahawaan ng COVID-19 kung kaya kailangan pa rin ng nasabing mga papeles upang masiguro na hindi carrier ng virus ang nasabing indibidwal.
Una rito, marami ang umaasa na kapag nakatanggap na ng kumpletong Covid-19 vaccine ang isang tao ay libre itong makakapaglabas-pasok sa lalawigan anumang oras na kanyang naisin.

